REEL TIME
Nene de Pamilya
Airing Date: July 08, 2012

Habang nahihimbing sa tulog ang maraming batang tulad niya, laman ng kalsada si Jhonalyn Laluna at ang kaibigang si Melanie Amlani. Iisa lang ang bumabagabag sa isip niya: makapulot kaya siya ng isda? Nakayapak na nilalakad ng magkaibigan ang bilihan ng mga isda sa Malabon, di alintana ng kanilang musmos na katawan ang ginaw at hamog. Sa palengke, kakaiba ang kalakaran. Malupit. Manhid. Pero ito ang kanilang palaruan. Gabi-gabi, umiikot sila dito para maambunan ang kanilang balde ng mga patapon ng isda.

Ang mga isdang ito ang siyang pagkain o bubuhay sa kanilang mga pamilya. Si Jhonalyn, pangatlo sa limang anak, ang bukod tanging nagtataguyod sa kanilang pamilya. Ang kanyang ama na may TB, isang buwan nang nasa ospital. Sa murang edad na labing-tatlong taong gulang, siya ang inaasahan ng kanilang ina. Nagagawa man niyang mapagsabay ang pag-aaral at pagtatrabaho, ang bawat araw ay may panibagong hamon para sa isang katulad niyang Nene de Pamilya.

Samantala, malaking tulong ang pamumulot ng isda para sa mga pansariling pangangailangan ni Melanie Amlani. Dahil sa bentang isda, naitatawid niya at ng kanyang lolo’t lola ang buong araw nila. Ngayon, kailangan niyang magbayad sa hinuhulugang sapatos na gamit niya sa paaralan. Sapat ba ang kanyang kita para makahulog sa utang?

Panoorin ngayong July 8, 2012, Linggo, 9:55 pm sa GMA News TV, ang dokumentaryo ng Reel Time: Nene de Pamilya, isang kuwento ng katatagan ng loob, at ng pagkakaibigang nagpapalakas ng kanilang loob.

Reel Time on Facebook: www.facebook.com/reeltimegmanewstv
Follow Reel Time on Twitter via @reeltimedocu

For previous episodes of Reel Time: www.gmanetwork.com/reeltime

Comments are closed.